ANG ALAMAT NG BUWAN AT MGA BITUIN

Sinasabing noong unang panahon ay mababang-mababa pa ang langit at walang buwan at mga bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Saan kaya nagmula ang buwan at mga bituin sa langit? Malalaman natin sa alamat na ito ang mga sagot.

Noong unang panahon sa isang malayong nayon, sa isang maliit na kubo ay naninirahan si Estrella at ang kanyang pamilya. Si Estrella ay may pag-aari na isang suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Walang araw na nagdaan na hindi niya pinagmamasdan ang kanyang suklay at kuwintas, at habang suot ang mga ito ay nananalamin siya sa tubig at tinitingnan niya ang kanyang kariktan.

Isang araw...
Nanay : Estrella, magbayo ka nga ng palay.
Estrella : Opo.(bagaman at sumagot ng "opo" ay hindi kumikilos si Estrella para magbayo, siya ay nakatitig pa rin sa kanyang sarili sa harap ng tubig)
Nanay : Estrella, kumilos ka na! Wala pa tayong bigas na isasaing.
Estrella : Opo, sandali na lang po. (hindi pa rin magawang alisin ni Estrella ang paningin sa kanyang suklay at kuwintas)
Nanay : ESTRELLA, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Bilisan mo!
-Tumindig si Estrella at pumunta na siya sa lusong (wooden pestle) ng palay, kinuha ang bayo (wooden mortar). Sa pagmamadali ay hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Batid niyang kapag malakas na ang boses ng kanyang ina ay galit na ito at dapat ay kumilos siya kaagad.

Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Ilang saglit lamang ay pinagpawisan siya kaagad.
Estrella : Naku! pinagpapawisan ako at nababasa ang aking kuwintas.
- Hinubad niya ang kuwintas, tinanggal ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naaabot lamang ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan niya ang suklay at kuwintas.
Estrella : Kay ganda talaga ng aking suklay at kuwintas. Pagkatapos na pagkatapos kong magbayo ay isusuot ko muli ang aking suklay at kuwintas.

Sa kagustuhang makatapos kaagad sa ginagawa ay binilisan niya ang pagbabayo ng palay upang maisuot niya ulit ang suklay at kuwintas. Tumaas nang tumaas ang pagbuhat niya ng bayo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Hindi niya napapansin na tinatamaan na pala ng bayo ang langit, at sa bawat pagtama ng bayo sa langit ay tumataas ito. Nasa palay na ang kanyang atensyon. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng bayo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay. Nang mapansin ni Estrella ang nangyayari ay napakataas na nang langit. Hindi na nakuha ni Estrella ang kanyang gintong suklay at kuwintas na isinabit niya sa langit. Tumaas pa nang tumaas ang langit.

Nang gabing iyon ay umupo si Estrella sa may bintana at tumingala sa langit na ngayon ay napakataas na. Napabulalas ng paghanga si Estrella nang makita niya ang kanyang suklay at kuwintas.
Estrella : Napakaganda ngayon ng aking gintong suklay at ang kinang ng mga gintong butil ng aking kuwintas.

Nakita niya ang kanyang gintong suklay na tila nagbibigay ng liwanag sa dilim ng gabi, na tinatawag natin sa kasalukuyang panahon na BUWAN. Ang kanyang kuwintas ay nagkahiwa-hiwalay, kumukuti-kutitap ang kinang ng mga gintong butil sa kalangitan, na tinatawag naman natin sa kasalukuyang panahon na MGA BITUIN.

0 comments:

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP